EDITORIAL: Makakatulong ba ang ‘clean rider’ stickers sa pagsugpo ng krimen?
August 28, 2018 at 5:14 pm Leave a comment
Marami ng mga kriminalidad na nangyari sa bansa na kagagawan ng “ motorcycle riding in tandem”. Ang dalawahang pagsakay sa motorsiklo, na kung saan ang isa ay ang nagsasagawa ng pamamaril sa kanilang biktima, ay mailap mahuli ng mga pulis. Karamihan sa mga ito ay gumagamit ng mga motorsiklong walang plaka at kung mayroon man, ang mga plaka ay hindi tunay. Ito ang paraan nila upang mailihis ang kanilang pagkakilanlan.
Ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Director General Oscar D. Albayalde ay naglunsad ng isang estratihiya upang magkaroon ng pagkakilanlan ng mga motorsiklong ginagamit at gumagala sa mga bayan sa buong bansa. Ang tawag nila sa kampanyang ito ay “Clean Rider” upang ang mga lansangan ay siguradong ligtas sa anumang uri ng kriminalidad. Isa itong hakbang para mabilis na matukoy ang mga “motorcycle riding suspects”.
Ayon sa plano ng kampanyang ito, ang maaaring kasapi ng “Clean Rider” ay ang mga lehitimong nagmamay-ari ng mga motorsiklo. Sila dapat ay may malinis na pagkatao at hindi naging sangkot ng anumang uri ng krimen.
Ang mga nagmamay-ari ng mga motorsiklo ay pupunta lamang sa mga estasyon ng pulisya sa kanilang mga lugar at ipakita ang kanilang orihinal na resibo o sertipiko ng rehistrasyon (OR/CR), deed of sale kung hindi nakapangalan sa kanya, driver’s license (hindi puwede ang student permit) at tugunan ang “ clean rider application form.” Pag- naayos na lahat ng papeles at pasado ang aplikante, lalagyan ng “clean rider sticker” ang motorsiklo.
Ayon sa PNP, sa ganitong paraan ay madaling makilala ang mga nakasakay sa mga motorsiklo at hindi sila masyadong sagabal sa mga “check points”. Mabilis ding matukoy yong mga walang rehistrasyon at driver’s license. Bagamat maganda ang adhikain sa kampanyang ito ng “clean rider”, marami ring katanungan ang dulot nito.
Paano marerebisa ng mga pulis kung tunay na stickers na galing sa PNP ang nakalagay sa mga motorsiklo? Kung ordinaryong sticker lang ang mga ito, madaling gayahin at maimprinta. Ang mga stickers ba ay “tampered proof”? Mayroon bang seguridad upang malaman kaagad kung peke ang mga stickers na nakalagay sa mga motorsiklo? Baka naman dahil nakikita na ang mga “stickers” ay hindi na masyadong binibigyan ng pansin ang mga ito ng otoridad? Maraming palusot ang mga kriminal ang pag-iisip at kaya nilang gumawa ng mga paraan upang mailihis ang sarili nila sa mga otoridad at krimeng gagawin.
Ang mga katanungang iyan ay dapat bigyang pansin ng pamunuan ng PNP. Kailangan ng sapat na seguridad ang mga stickers gaya ng paglalagay ng “security mark” o bar codes upang matantiya na ang mga ito ay hindi maaaring mapeke. Ang maganda nito ay may aksyon ng isagagawa ng PNP upang matigil na ang paggamit ng mga motorsiklo sa mga krimen. Mas lalong mapaigting ang pagsawata ng mga krimen sa buong bansa.
Entry filed under: News.
Congress should pass rice tariffication bill – So MAGANES: Monmon Guico versus Amado Espino Jr. in 2019 elections?
Trackback this post | Subscribe to the comments via RSS Feed